“Top 1 LET September 2016 Story: Pangarap kong tuparin ang hindi natupad na pangarap ng aking mga magulang”

Ako si Lady Princess S. Marcelo, panganay at nag-iisang babae sa tatlong magkakapatid. Ako ay nagmula sa Calasag, San Ildefonso, Bulacan. Ang aking ama’t ina ay parehong high school graduate lamang. Ang aking ama ay naging ahente ng Uniliver at Wellmade. Ang aking ina naman ay abala sa pag-aalaga sa aming tatlong magkakapatid at isang dakilang housewife. Lumaki ako sa isang mapag-arugang pamilya. Pangarap ko lamang noong bata ako ay makatapos ng kolehiyo para matupad ko naman ang pangarap na hindi nakamit ng aking mga magulang. Grade 5 ako nang italaga ang aking ama ng kanilang kompanya (Wellmade) bilang Sales Supervisor sa Region I. Mula noon ay bihira na siyang umuwi sa aming bahay.
Nagtapos ako bilang Valedictorian sa San Ildefonso Elementary School. Pagkatapos nito ay nakapasok ako sa Liceo de Buenavista, isang private school sa aming bayan. Nangunguna ako sa klase noong ako’y 1st year high school. Noong Marso ng taong 2008, 15 taong gulang ako, ay nagkaroon ako ng nobyo, ang aking kababata at kamag-aral mula elementarya na si Ronel Enriquez. Hindi naman tutol ang aming mga magulang sa aming relasyon. Lagi lamang nilang pinapaalala na unahin pa rin ang pag-aaral. Marami rin kaming naririnig noon na mga taong nagsasabi sa amin na kami ay hindi makakatapos ngunit nagsilbi lamang iyong challenge sa aming dalawa para patunayan ang aming mga sarili.
Nagbago ang lahat pagtuntong ko ng 2nd year. Lingid sa aming kaalaman, nagbitiw na pala sa kanyang trabaho ang aking ama at may kinakasama na rin pala siya na ibang babae sa La Union. Noong April ng taong 2008, naghiwalay ang aking mga magulang. Napakalaking dagok ang biglang mawala ang haligi ng tahanan. Nanatili kaming tatlong magkakapatid sa piling ng aming ina. Napilitang pumasok sa kung iba’t ibang trabaho ang aking ina. Bagama’t nagpapadala pa rin kahit papaano ang aking ama sa amin, hindi na ito nagiging sapat upang masustentuhan ang aming pamilya.
Noong nalalapit nang magsimula ang klase para sa 3rd year, nababanggit na sa akin ng aking ina na kung maari ay huminto muna ako ng pag-aaral upang makatulong sa kanya sa pagtatrabaho. Ngunit ipinilit ko ang kagustuhan kong mag-aral. Para mapagkasya ang Php50 kong baon noon ay naglalakad ako mula sa aming bahay hanggang sa kanto (20 minuto) kung saan ako’y sasakay ng jeep. Bilang malapit lamang ang bahay ng aking kasintahan sa aming paaralan ay libre na ang tanghalian ko sa araw-araw. Kadalasa’y ibinibigay pa ng aking kasintahan ang kanyang baon na Php20 para lamang may pamasahe ako kinabukasan. Siya ang isa sa mga nag-udyok sa akin na ipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Maraming mga taong nakapaligid sa amin ang nagsasabi na hindi kami makakapagtapos ng aking kasintahan at mabubuntis lamang ako nang maaga gaya ng ibang mga dalagitang maagang nagkaroon ng kasintahan. Tinanggap na lamang namin ang mga panunudyong iyon bilang isang hamon.
Para makatulong ako sa aking ina, kumuha na rin ako ng iba’t ibang part time job noong ako’y 3rd year. Pumasok ako bilang student assistant/janitress ng aming paaralan. Naglilinis ako ng banyo at ng buong campus tuwing Sabado at Linggo para makaipon ng pandagdag baon para sa susunod na linggo. Pumasok rin ako bilang tindera ng maliit na grocery store malapit sa aming bahay noong bakasyon ng 2009.
Pagtuntong ko ng 4th year, buo na ang aking desisyon na hihinto na muna ako ng pag-aaral pagka-graduate ko ng high school upang makatulong sa aking ina, o ‘di naman kaya’y mag-aaral na lamang ako sa isang kolehiyo sa aming bayan. Noong mga panahong iyon, wala pa talaga akong desisyon kung anong kurso ang kukunin ko sa kolehiyo sapagka’t mas nananaig sa akin ang planong huminto na lamang at magtrabaho.
Isa sa mga kamag-aral ko ang nag-udyok sa akin na kumuha ng UPCAT. Bilang wala akong alam kung ano’ng kurso ang aking kukunin, kinopya ko lamang ang UPCAT form ng aking kamag-aral. Ni hindi ko alam noon kung anu-anong kurso ang isinulat ko at kung saang UP Campuses ako nag-apply. Nakapag-UPCAT ako ng libre dahil na rin sa Income Tax Return (ITR) na nagapatunay na ako ay mula sa isang mahirap na pamilya. Sinubukan ko lamang ang swerte ko noon sa UPCAT sapagka’t alam ko naman na walang tsansa na ako ay makakapasa. Sadyang mapaglaro nga siguro ang tadhana dahil Ika-19 ng Pebrero, 2010 lumabas ang UPCAT results at ako sa mga nakapasa. Dalawa lamang kami ng aking kamag-aral na si Christy Fe C. Conta, isa ring gaya kong student assistant sa aming paaralan, ang nakapasa sa aming batch.
Umuwi ako noon sa aming bahay dala ang magandang balita ng aking pagkapasa. Hindi ko sukat akalain na pag-aalinlangan at hindi pagkatuwa ang isasalubong sa akin ng aking ina. Tanging tanong niya sa akin noon ay “Sino naman ang magpapaaral sa’yo? Ang layo-layo ng UP Los Banos at wala tayong kamag-anak doon. Paano ka mabubuhay doon?”. Tila isang sampal sa akin ang bawat katagang binitawan ng aking ina. Totoo nga, parang suntok sa buwan na lamang ang makapasok ako sa Unibersidad ng Pilipinas.
Noong mga panahong nawawalan na ako ng pag-asang ituloy ang pagpasok sa UP ay siyang pagkausap naman sa amin (ako at si Christy) ni Richard Estrella, isang graduate ng Liceo de Buenavista na nag-aaral sa UP Diliman. Nabanggiit niya sa amin na maraming mga scholarships na maaari naming makuha kung itutuloy namin ang pagpasok sa UP. Maari raw kaming makapag-aral nang libre, ang tanging iintindihin na lamang namin ay ang pang-araw-araw na baon. Noo’y muli akong nabuhayan ng loob.
Nakatapos ako ng high school bilang 3rd honor. Matapos ang aming graduation ay patuloy akong nagsilbi bilang student assistant ng aming paaralan upang makaipon. Bilang 2010 National Elections noon at tumakbo rin sa pagka-Bokal ang presidente ng aming paaralan ay nag-apply na rin ako bilang tagapangampanya niya (tagapamigay ng mga campaign paraphernalia, at iba pa). Humingi na rin ako ng tulong sa aking English teacher na si Mrs. Lerma Aboy upang makagawa ng solicitation letter para sa aming dalawa ni Christy. Sinamantala na namin ang pagkakataon upang kumatok sa pinto ng bawat politiko sa aming bayan at humingi ng tulong upang makapunta kami ng UPLB at makapagpasa ng mga requirements for admission. Sa kabutihang palad, nakakalap naman kami ng sapat na halaga upang makarating sa UPLB at maipasa ang mga requirements.
Isang taon po ang inilagi ko sa UPLB sa kursong BS Development Communication. Hindi naging madali ang isang taon ko roon sapagka’t kinailangan kong magtrabaho bilang student assistant upang maipandagdag sa lingguhang padala ng aking ama. Bagama’t nagpapadala kasi noon ang aking ama ay hindi pa rin iyon sapat sa mga gastusin sa school requirements at pagkain araw-araw. Kadalasan nga ay isang lata ng sardinas lamang ang pinagkakasya kong ulam sa maghapon, o ‘di naman kaya’y noodles. Sinikap kong mapataas ang aking mga grades upang makalipat na ako sa UP Diliman sapagka’t mas malapit iyon sa Bulacan at alam kong mas marami ring part time jobs ang makikita ko roon.
Sa awa ng Diyos, ay nakalipat nga po ako sa UPD sa kursong BS Physics. Nagpapadala pa rin naman ng karagdagang baon ang aking ama at mayroon pa rin akong ilang scholarships ngunit hindi talaga sapat iyon upang makaraos ako sa araw-araw. Pagiging isang part-time tutor ang ikinabuhay ko noon sa UPD. Unang taon ko sa BS Physics, kasama pa ako sa listahan ng mga College Scholars (Dean’s Lister). Nagbago ang lahat pagdating ng unang semestre ng ikalawang taon. Nahirapan akong intindihin ang mga lesson, masyado na itong abstract para sa akin. Sa labing-anim (16) na yunit ko noon, 4 na yunit lamang ang naipasa ko, tres pa. Bumagsak ang mundo ko. Para akong pinagsukluban ng langit at lupa dahil alam kong kasabay ng pagbagsak kong iyon sa aking mga asignatura ay siya ring pagkawala ng aking mga scholarships. Kaya naman humingi ako ng tulong noon sa Maykapal. Tinanong ko Siya kung ano ba talaga ang plano Niya para sa akin. Noon, napagtanto kong minahal ko na pala ang pagtuturo. Napakasarap sa pakiramdam na tuwing nagtututor ako ay naipapaintindi ko sa tutee ko ang mga paksa na hirap na hirap siyang intindihin. Kaya naman sa sumunod na taon ay lumipat ako sa BEEd Science and Health.
Hindi rin naging ganoong kadali ang lahat nang nakalipat na ako sa Eduk. Ito ang panahong tuluyan nang hindi nakapagpadala ng baon ang aking ama. Ito ang mga panahong gipit na gipit na rin siya dahil mayroon na siyang dalawang anak na sinusustentuhan noon sa kanyang bagong pamilya. Noong huling taon ko sa UP, nagkaroon ng calendar shift. Naging Agosto sa halip na Hunyo ang simula ng klase at matatapos naman ito ng Mayo. Noong mga panahong ito, wala na akong tinuturuan o tutee mula Abril hanggang Mayo. Nagkakaroon pa madalas ng delay sa pagdating ng scholarship allowance kaya naman may panahon na hindi ako nakapasok ng paaralan nang tatlong magkakasunod na araw. Humingi ako ng tulong sa aking mga magulang ngunit tanging sagot lamang nila noon ay “Kung may magagawa lang ako anak. Pero alam mo namang walang wala ako ngayon. Huminto ka muna kaya?” Mahirap man para sa akin, pinili ko pa ring mamalagi sa loob ng dormitoryo at humingi ng mga tira-tirang pagkain sa aking mga roommates upang makakain lamang.
Sa ikatlong araw na ako ay lumiban sa pagpasok, tinawagan ako ng isa sa aking mga propesor. Sinabi niya sa akin na kailangan ko raw pumasok kinabukasan. Kinabahan ako sa kung ano na ang mangyayari sa aking grado kaya bagama’t nanghihina ang katawan sa hindi pagkain ay napilitan akong pumasok kinabukasan. Sinabi sa akin ng aking guro na magpaiwan daw ako pagkatapos ng klase sapagka’t kailangan daw naming mag-usap. Noong kinausap niya ako ay tila ba isang kaibigan lamang at hindi propesor ang aking kausap noon. Iyon ang unang pagkakataon na ikinuwento ko ang hirap ng pagiging isang self-supporting student at pagiging kabilang sa isang broken family. Niyakap niya ako at sinabing “Cess, everything will be alright. You will soon reap the fruits of your sacrifices.”
Tila nagdilang-anghel ang aking guro at nakapagtapos ako bilang cum laude sa kursong Bachelor of Elementary Education in Science and Health, taong 2016 sa UP Diliman. Matapos ang pagpasok sa dalawang UP campuses, tatlong kurso, lima’t kalahating taon sa kolehiyo, at sandamakmak na part time jobs, nakatapos na ako ng kolehiyo. Sinabi sa akin ng aking nobyo na kung hindi ko raw sana pinagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho, maaaring higit pa sa cum laude ang nakamit ko. Kaya naman nangako ako sa kanya na pagbubutihan ko ang pagrereview para sa LET.
Dahil sa kakapusan ng pera, hindi ako agad nakapag-enrol para sa review classes. Mabuti na lamang ay nabigyan ako ng CBRC ng full review scholarship ngunit kalagitnaan na ng Agosto noong nagsimula kaming magreview kaya naman hindi na ako nangarap mag-top. Ipinagdasal ko na lamang noon na sana’y tulungan akong makapasa ni God at sinabi ko rin na kung makakapasa ako ay ipinapangako kong ako ang magiging pinakamahusay na guro nga mga magiging estudyante ko; tuturuan ko sila hindi lamang kung paano maunawaan ang lesson kundi pati rin ng pananampalataya. Kung saan-saang simbahan ako nagpunta upang ipagdasal iyon. Totoo nga, palaging nakikinig si God. Dinirinig Niya ang dalangin ng anak Niya.
Hindi lamang ako nakapasa sa 2016 Licensure Examination for Teachers (Elementary Level), topnotcher pa ako. Isang bagay na hindi ko akalaing ibibigay sa akin ni God. Hindi ko alam kung ano ang meaning ng pagpasa ko pero narealize ko lamang iyon noong araw na ng Oath taking. December 30, 2016, natupad ang isa sa mga pinangarap ko sa loob ng iisang dekada, nakasama ko sa iisang picture ang aking ama’t ina. Ito rin ang unang pagkakataon na nagkita ang stepfather ko at ang aking ama. Sobra-sobra ang kaligayahan ko habang naglalakad kami sa red carpet sa harap ng libu-libong mga tao. Para akong lumalakad sa mga ulap, walang pagsidlan ang kaligayahan ko noon. Napagtanto ko rin na kaya siguro ako naging topnotcher, isa itong daan ni God para mapawi na lahat ng sama ng loob ko sa aking mga magulang. Topping the LET is never about the bragging rights, it is about the pride that you will give your parents, your family, friends and loved ones. Hindi rin naman dahil hindi ka nakapagtapos with honors ay hindi ka na rin magta-top. You will only start achieving the moment that you start believing in yourself, in your dreams and in the power of God.
Marami akong dapat ipagpasamalat sa CBRC. Marami na ang nangyari matapos akong mag-top sa LET. Naging guest kami sa Umagang Kay Ganda, nakasakay ako sa eroplano sa unang pagkakataon, nakapagturo rin ako sa mga nagnanais na maging LPTs, at higit sa lahat nagkaroon ako ng pagkakataon upang makilala ang stepmother ko at ang dalawa kong half-siblings. Nangyari ito matapos ang lecture ko sa CBRC Vigan. Nagdesisyon ako na dumaan sa La Union, lugar kung saan lumalagi ang aking ama at ang kanyang bagong pamilya. Nakilala ko noon ang aking mga kapatid at ang aking stepmother. Noon, natuto akong tuluyan nang magpatawad. Umuwi ako sa Bulacan bilang isang bagong tao na wala nang hinanakit sa puso.
Kaya naman ikaw na nagbabasa nito, magsimula ka nang mangarap. Kung mangangarap ka rin lang, taasan mo na dahil libre lang ang ‘yan. Samahan mo ng sipag, tyaga, dedikasyon at higit sa lahat, tiwala sa Maykapal. Tiyak na ibibigay ‘yan sa’yo ni God kung nakikita Niya na deserving ka para maabot ang pangarap na ‘yan.
