September 29, 2023

“Dreams+Prayers+Hardwork=SUCCESS”

by: Mariel R. Tapadera

    Tunay ngang kayhirap ng buhay, hindi mo alam kung kinabukasan ay makakapasok ka pa ba o kung makakapasok ka nga may babaunin ka ba, o ang pinakamalala may kakainin ba kayo sa kinabukasan? Ito ay ilan lamang sa mga bagay bagay na nasa aking isipan sa nakalipas na pitong taon ng aking buhay. Ngunit sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok na aking kinaharap ay may bahaghari palang nag-hihintay sa akin sa dulo. Tama, isang bahaghari na nagsimbolo ng tagumpay, ngunit bago iyon hayaan ninyong ikuwento ko muna sa inyo kung paano ako nagsimula at nagtagumpay sa mga pagsubok ng buhay lalo na sa paglaban sa kahirapan.

     Nagsimula ang masalimuot naming buhay noong namatay ang aking ama. Ako ay labintatlong taong gulang pa lamang noon at ako ay nasa sekundarya pa lamang. Nakita ko ang paghihirap ng aking ina na siyang nagtaguyod sa amin. Panganay ako sa aming tatlong magkakapatid kung kaya’t sa murang isip pa lamang kinintal na sa akin ng aking ina na mahirap ang buhay na kailangan kong mag-aral ng mabuti at magsumikap sa buhay. Kung kaya naman nang inalok ako ng aking tito na tulungan niya ko na makapagtapos ng high school ay tinanggap ko kapalit ng paglalaba ko sa kanila tuwing Sabado. Dala ang pangarap ko na makatapos ng sekundarya ng may karangalan binigay ko ang lahat sa aking pag-aaral, nagpakasipag ako at sobrang nagsikap. Tanda ko pa nun natutulog ako ay madaling araw na dahil sa kagustuhan kong maperfect ang periodical test namin. Sa awa ng Diyos at sa tulong ng aking pagsisikap, nakatapos ako ng sekundarya at naging second honorable mention ako ng aming klase. Kitang-kita ko ang tuwa sa mga mata ng aking ina kaya simula pa lang noon, nasabi ko sa sarili ko na gagawin ko na ang lahat para mapasaya at bigyan ng karangalan ang aking ina.

     Alam ko na mas mahirap pa ang kahaharapin namin ng ako ay papasok na sa kolehiyo, nakita ko na hindi kaya ng aking ina na ako ay pag-aralin sa kolehiyo dahil siya ay nangangatulong lamang at ang kanyang tatlong libong sinasahod sa pangangatulong ay kulang pa sa aming pangkain araw-araw. Lubos na kaybuti talaga ng Panginoon dahil dininig niya ang aking panalangin na makapag-aral ako ng kolehiyo. Tinulungan ako ng isang retiradong guro, si Gng. Josefina G. Bautista na makahanap ng isang scholarship at nakakuha nga ako ng scholarship sa ilalim ng isang pribadong organisasyon, ang Peñaranda-USA Association sa pamumuno ni G. Armand Mendoza. Kapalit ng scholarship ay ang pagmaintain ng aking mga marka at pangako na tatapusin ko ang aking pag-aaral.

     Kahit ako ay may scholarship naging mahirap pa rin ang aking buhay kolehiyo, dagdag pa rito dahil sa Manila na nangangatulong ang aming ina ang mga lolo at lola lang namin ang gumabay sa amin. Nagsimula ako sa kolehiyo ng may isang pares lamang ng uniporme na pinaglumaan lamang ng asawa ng aking pinsan, nakatutuwa nga at blessing na gabi ang pasok naming sa kolehiyo para nang sa ganoon lalaban ko sa umaga at isusuot ko ng gabi. Ang mga gamit ko naman sa pag-aaral ay binigay lamang ng aking pinsan na maykaya sa buhay. Sa tuwing gabi na aking pagpasok baon ko lamang ay bente pesos sapat na para sa aking pamasahe. Suwerte ko nang makapagmiryenda kung walang babayarang mga photocopy sa school o kaya naman kapag may mga mababait na kaklase ko na aayain ako na ililibre nila ako. Syempre naman choosy pa ba ako? Grab kung grab na, libre kaya yun no.

     Dahil determinado ako na makatapos binigay ko talaga ang lahat sa aking pag-aaral. Halos twing ala-singko na ko ng madaling araw natutulog sa pagrereview at pagtapos ng mga requirements sa school. Bunga nito naging consistent akong blue ribbon awardee sa aming Honorific Society, ako ang naging rank 1 sa aming extension campus sa loob ng pitong semestre ng aking pag-aaral. Nagpatuloy ang aking pagsusumikap hanggang sa ako ay makatapos at naging nag-iisang Magna Cum laude ng aming batch. Kitang-kita ko ang mga tuwa at ningning sa mga mata ng aking ina at sabi ko sa kanya “Ma, para sayo po to.”

     Kala ko ay natatapos na lahat sa pag graduate ng may honors, ngunit hindi nga pala–ang kasunod nito ay ang paghanap ng magandang trabaho. Nakahanap ako ng trabaho, bilang isang guro sa isang private school sa Saint Andrew Christian Academy. Bagaman maliit ang sweldo ay sabi ko “Pwede na to medyo makakatulong na ito sa aming pamilya.”

     Sa pangarap ko na makapasa at baka sakaling mag top sa Licensure Examination for Teachers (LET) nag-enrol ako sa isang review center, ang Carl Balita Review Center. Unang kita ko pa lamang sa review center na ito ay tiyak ko na ito ang magiging kaakibat ko sa pagtupad sa aking mga pangarap. Sinwerte na naman ako dahil sa may honor ako noong kolehiyo. Ako ay nakakuha ng discount at lumiit ang aking binayaran sa review center. Tunay na kayhirap pagsabayin ng pagrereview at pagtatrabaho ngunit hindi ako nagpatalo dito. Nagpursige ako sa pagrereview, pasok sa trabaho ng Lunes hanggang Biyernes at review naman sa Sabado at Linggo. Sabi ko nga sa sarili ko andito na ko kaya susulitin at sisipagan ko na, kung kaya’t sa tuwing tinatanong ng mga lecturers sa CBRC kung papasa ba kayo sa Board Exam, isa ako sa mga nagsasabi na “PAPASA KAMI!”, sabay bulong na “Baka nga i-top ko pa”.

     Matapos ang limang buwan na pagrereview, dumating na ang big day, September 25, 2016. Ito ang araw na pinaghandaan ko ng lubusan. Dala ang pag-asa at mga panalangin ng aking ina, lolo at lola, mga kamag-anak, at kaibigan sumabak na ako sa board exam. Ako ay kumuha ng board exam sa malamig na siyudad ng Baguio City. Bago ako magsimulang, magsagot mataimtim muna akong nagdasal, “Lord sana po tulungan niyo po akong pumasa o magtop sa board exam, pangako po magiging mabuti akong guro at ibibigay ko kay mama ang buhay na dapat na para sa kanya, ang maginhawa at masayang buhay.”

     Sa aking pagsasagot sa una ay kabado talaga ako as in sobrang kabado, pero nung makita ko na ang mga tanong, sabi ko sa sarili ko “Wow! Papasa o magtotop talaga ako. Ang galing talaga ng CBRC.” Nang matapos na ang board exam, nagpasalamat ako kay Lord at sabi ko “Lord binigay ko na po ang lahat, kayo na po ang bahala.”

     Hindi ako basta lamang nag-intay sa resulta. Ako ay dumalaw sa sampung iba’t-ibang simbahan. Sa pagpunta ko sa sampung simbahan na iyon ay baon ko ang dasal ni St.Jude at lagi kong sinasambit na sana ay ipasa o itop niya kaming magkakaklase at magkakaibigan upang matuwa ang aming mga magulang at aming minamahal na Nueva Ecija University of Science and Technology – Peñaranda Academic Extension Campus (NEUST-PAEC). Patuloy ko iyong ginawa hanggang sa huling simbahan na aking narating. Nakatutuwang isipin na sa susunod na Linggo pagkatapos noon ay ang araw na aking pinakahihintay ang paglabas ng resulta ng LET.

     Ika-28 ng Nobyembre, 2016, ang araw na bumago ng aking buhay. Ito ang araw na lumabas ang resulta ng Board Exam ng mga guro. Sariwa pa sa aking mga alaala ang senaryong iyo. Nagtuturo ako mga bandang ala-una ng hapon nang biglang tinawag ako ng aking ka co-teacher dahil may sasabihin daw siya. Paglabas ko, laging gulat ko at nag-iiyakan ang mga co-teacher ko papalapit sa akin, sabi ko “What is happening in this magulong country?” Tapos sabay sabi nila habang umiiyak, “Cher! Nagtop 8 ka sa board exam.” Wala akong magawang sabihin ng mga oras na iyon, sabi ko na lang “Thanks Lord!”

     Pagkatapos noon, ay tumawag na si mama. Hindi ko alam pero sobrang naiyak talaga ko. Sabi ko “Mama nag top 8 ako!” narinig ko si mama na umiiyak sa kabilang linya at sabi “Salamat sa Diyos.” Kasabay na rin nito ang pagbati ng CBRC Cabanatuan, mga kaibigan, guro, kamag-anak at mga kakilala ko. Sabi ko nga nakatutuwa naman parang nanalo ako sa lotto at tila isang instant celebrity.

     Dahil sa pagiging top 8 ko sa board exam alam ko na ito na ang simula ng pagbabago ng aming buhay. Sa susunod na semestre sa taong panunuran 2017-2018 ako ay magsisimula ng magturo sa aming unibersidad, ang Nueva Ecija University of Science and Technology. Malaking tulong din sa aming pamilya ang pagiging part timer reviewer ko sa CBRC.

      Sa ngayon, kasama na namin ang aming ina, at pinahinto ko na siya sa pangangatulong. At dito na nagtatapos ang aking hindi naman sa sobrang haba o sobrang iksing kwento, Mariel Ramos Tapadera, 20 taong gulang, Top 8, Tatak CBRC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *