October 2, 2023

     ”I did my best but I guess my best wasn’t good enough.” Iyan ang linya mula sa kantang Just Once na akmang-akma sa maraming yugto ng buhay ko.

     Taong 2007, kumuha ako ng kursong BS Accountancy hindi dahil pangarap kong maging CPA balang araw kundi dahil ito ang  kurso na kinuha ng karamihan sa mga kaklase ko noong high school. Iyon naman ang common dilemma ng mga nagsisipastapos sa high school, ang pagpili ng kurso sa kolehiyo.

     Bagama’t hindi ko gusto (pero hindi rin naman ayaw) ang kursong ito, sumubok pa rin ako. Sumubsob pa rin ako sa pag-aaral. Sa katunayan, maging sa pakikipagkaibigan ay pinipili ko iyong mga taong alam kong mabuti ang magiging impluwensiya saakin. Napabilang ako sa isang barkadahan na pag-aaral ang priority sa buhay. Walang klase na hindi namin pinapasukan. Walang assignment na hindi namin ginagawa. Walang project ang hindi namin ipinapasa. Mahirap man, wala kaming planong sumuko.

     Dumating ang araw ng midterm exam. Inabot ako ng hatinggabi sa pagrereview kaya alam ko magiging sisiw ang lahat. Punong-puno ako ng excitement habang naghihintay ng test paper. Nang matanggap ko ito, mabilis kong sinulat ang aking pangalan at dali-daling sinulyapan ang mga tanong. Naramdaman ko ang pag-init ng aking tenga. Parang umakyat ang dugo sa aking ulo. Unti-unting bumubutil ang pawis sa aking noo. P*tang ina! Anong nangyari?

     Lumabas ako ng room para tawagan si Nanay. Sinabi ko kung ano ang nangyari. Humingi ako ng “break” sa pag-aaral. Ang katwiran ko, sayang lang ang ipinababaon niya saakin. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakagawa ako ng maling choice sa buhay (pero siyempre ngayon ko nalang narealize iyon). Dismayado man, pumayag si Nanay na pansamantala akong huminto sa pag-aaral.

     Oktubre ng parehong taon nagsimula ang “break” ko. Panunuod lamang ng TV ang inaatupag ko sa araw-araw. Nanunuod ako ng TV mula paggising, habang kumakain, hanggang sa bago matulog. Isang linggo pa lamang ang nakakaraan ay nakaramdam na ako ng matinding pagkabagot sa buhay. Sa wari ko ay napakabagal ng paglipas ng oras.

     Humanap ako ng mapaglilibangan. Ito naman ang ikalawang maling choice ko sa buhay—mga libangan. Nilibang ko ang sarili ko sa usok ng sigarilyo. Nilaro ko ang mga yelo sa alak na iniinom ko. Pinalipas ko ang oras sa pagsusugal. Nilulong ko ang aking sarili sa mga bisyo.

     Habang nagpapakasarap ako sa mga bisyo ay humaharap naman sa matinding pagsubok ang aking mga magulang. Palugi na ang hanapbuhay namin. Hindi na sumasapat ang kita nila Nanay sa mga gastusin sa bahay. Gusto ko sana silang tulungan, kaso ang bata ko pa noon. Wala naman akong magagawa. At isa pa, masyado akong abala sa mga hawak kong baraha.

     Ilang buwan pa ang lumipas ay tuluyan na akong nalulong sa pagsusugal. Kasabay nito ay ang tuluyang pagkalugi ng hanapbuhay nila Nanay. Dito na siya nagsimulang magkaroon ng mga utang. At malaking bahagi ng mga inuutang niya ay inuumit ko upang matustusan ang mga libangan ko sa buhay.

     Sa kabila ng kalagayan namin sa buhay, pinag-aral pa rin ako ni Nanay. Taong 2008, kumuha ako ng parehong kurso sa parehong pamantasan. Nakitaan ko ng pag-asa ang mga mata ni Nanay habang iginagayak niya ang almusal sa unang araw ng pasukan. Pakiwari ko ay nabuhayan siya ng loob nang makita niya akong suot ang bago kong school uniform. Alam kong naniniwala siya na ako ang mag-aangat sa hirap na kinasasadlakan namin noon.

     Unang araw ng pasukan, umalis ako ng bahay pero hindi para mag-aral. Dala ang baon kong pera at ang mga pangarap ni Nanay, tumuloy ako sa sugalan. Araw-araw kong niloloko ang mga taong labis na nagpapakahirap maitaguyod lamang ang aking pag-aaral. Natigil lamang ito nang tuluyan na kaming nabaon sa mga utang.

     Muli akong tumigil sa pag-aaral. Dito nagsimulang mag-iba ang tingin ng mga tao saakin. Pakiramdam ko ay ako ang sinisisi nila kung bakit nasa mahirap na kalagayan ang aming pamilya. Ang pinakamasakit, maging ang sarili kong ama ay tuluyan ng  bumaba ang pagtingin saakin. Pero hindi ko sila masisisi.

     Pagkaraan ng halos dalawang taon, napilitan kaming lumipat sa Bulacan nang kailanganing ibenta ang bahay sa Tarlac para ipambayad sa mga utang namin. Kitang-kita ko ang paghihirap ng mga magulang ko dahil kailangan nilang magsimula ng panibago. Wala akong magawa, wala akong maitulong.

     Dahil sa kakapusan ay  matagal akong hindi nakapag-aral. Paminsan-minsan ay sumasagi sa isip ko na muling magbalik eskwelahan ngunit sa tuwing nakikita ko ang kalagayan ng buhay namin ay hindi ko na ipinipilit pa. Dalawang taon pa akong tumambay. Iyon ang mga panahon na naramdaman ko na napakawalang kwenta kong tao. Kung dati, tatay ko lamang at ang ibang tao ang mababa ang tingin saakin, ngayon maging ako ay hindi na magawang maniwala sa aking sarili. Pero hindi ang Nanay ko.

     Baon man sa utang, kinumbinsi pa rin ako ni Nanay na mag-aral. Sinunukan ko ulit. Kumuha ako ng Hotel and Restaurant Services at sa awa ng Diyos, natapos ko ang unang semestre. Pero sadyang malakas ang hatak ng bisyo. Muli, unti-unti akong nalulong sa sugal na siyang naging dahilan ng pagtigil ko sa kalagitnaan ng second sem.

     Tumigil na naman ako sa pag-aaral. Tumigil na rin akong mangarap. Tinanggap ko na sa sarili ko na hindi ako ang anak na mag-aahon sa mga magulang ko sa hirap. Tinanggap ko na sa sarili ko na tuluyan ng nawalan ng saysay ang aking buhay.

     Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi sumuko si Nanay. Muli niya akong kinumbinsi para muling mag-aral. Pero pagod na ako. Ayoko na. Alam ko naman na wala ring mangyayari. Hindi ko rin naman iyon matatapos. Ngunit sadyang makulit siya. Araw-araw niya akong pinipilit na muling mag-aral.

     Dahil buo na ang pasya ko na hindi na ako muling papasok sa eskwelahan, umisip ako ng paraan para matigil ang pangungulit niya saakin. Sinabi ko sa kanya na mag-aaral lamang ako kung maibibigay niya ang dalawa kong kundisyon. Una, papasok lamang ako kung sa St. Paul University, isang pribadong pamantasan. Ikalawa, mag-aaral lamang ako kung may bago akong motorsiklo.

     Iisipin ng marami ng sadyang makapal ang aking mukha dahil sa ginawa ko. Ako na nga itong binibigyan ng panibagong pagkakataon, ako pa itong may lakas ng loob para magbigay ng kondisyon. Pero ginawa ko iyon para lamang tumigil na si Nanay sa pagpapa-aral sa akin. Alam ko kasi na hindi niya iyon kakayaning ibigay dahil sa kalagayan ng buhay namin.

     Pagkalipas ng dalawang araw mula ng sabihin ko sa kanya ang tungkol sa aking kondisyon, tinawag niya ako para sumama sa tiyuhin ko. Nang tanungin ko kung bakit, lihim na nangilid ang luha ko nang sabihin niya na kukunin namin ang bago kong motorsiklo at upang mag-inquire sa St. Paul. Iyon ang pangyayari na nagpabago ng pananaw ko sa buhay.

     Sa kabila ng paulit-ulit na pagkakamali na nagawa ko sa buhay, hindi tumigil si Nanay na maniwala saakin. Siya ang patuloy na nangarap para saakin noong mga panahong tumigil na akong mangarap. Kulang ang mga katagang “maraming-maraming salamat” upang masuklian ang labis na pagmamahal niya saakin.

     Nagpasya akong kumuha ng Bachelor in Elementary Education sa St. Paul University. Sa kagustuhan kong makabawi kay Nanay, nagsumikap ako ng husto sa pag-aaral. Gusto ko sanang magkamit ng karangalan upang mapawi ang lahat ng paghihirap niya. Ngunit sabi nga ng kanta ni James Ingram,”I did my best but I guess my best wasn’t good enough”.

     Taong 2016, dahil sa tulong at awa ng Diyos, nakapagtapos ako ng kolehiyo. Bigo ko mang masungkit ang Cum Laude, alam kong proud na proud ang aking Nanay saakin. Alam kong kahit papaano ay napawi ko ang mga sakit naidulot ko sakanya dahil sa mga pagkakamaling nagawa ko sa buhay. Napaligaya ko man siya noong araw na iyon, alam kong higit pa roon ang nararapat para sa kanya.

     Ito ang nagtulak saakin to aim high. Sinabi ko sa sarili ko na magta-top ako sa board exam. Sa pamamagitan ng dasal, ng pagsusumikap, at pagpili ng tamang review center, naisakatuparan ang aking pangarap. Nasungkit ko ang ika-9 na puwesto sa September 2016 Licensure Examination for Teachers.  Ito ang karangalan na inaasam kong maisukli sa taong walang sawang naniniwa, nagtiwala, at  nagmahal saakin—sa aking Nanay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *