September 27, 2023

I am Ian Madero Calanog, a graduate of Bachelor in Elementary Education at Notre Dame-RVM College of Cotabato. I took the Licensure Examination for Teachers last January 30,2022 and I landed as rank 4 in Elementary Level.

     

October 2, 1995 nang magsimulang umikot ang aking mundo, sa malayong sitio ng Bagumbayan doon natuto– natutong mamulat sa katotohanang sa balikat ko ay nakakabit ang kahirapan. Sa murang edad aking naranasan ang maglaga ng saging at kamote mula agahan hanggang hapunan. Oo, salat ako sa yaman, ngunit mayaman naman ako sa pagmamahal ng aking mga magulang.

     Ako ay nag-aral ng elementarya nang naglalakad sa putik nang nakapaa, at tumatawid ng ilog na ang gamit ay tulay na kawayan at kung minsan ay balsa naman.

     Sa sekondarya naman, ang baon ko ay limang pisong barya upang may pambili ng gulay sa kantina. Pagsapit ng Sabado at Linggo, sa pagtatanim at pag-aani ng mais, doon ako abala upang pagdating ng Lunes may pambayad sa iba’t ibang bayarin sa eskwela.

     Taong 2012, nagtapos ako sa sekundarya, subalit pangarap ko ay hindi doon natapos. Sa kagustuhang makapagkolehiyo, iba’t ibang trabaho ang aking sinubok. Isa na rito ang pagbubuhat ng isang sakong bigas doon ako nahimok sapagkat sa limapung piso kada araw na sahod ang mahihirap ay lalo nilang nilulugmok! Ako ay umalis at sa Lipa, Batangas ako nakipagsapalaran. Ang sumunod na sinubok ko ay ang pagtratrabaho sa isang funeral Homes kung saan ako ay tagahugas ng carpet at upuan. Kung minsan, kabaong naman ang pinupunasan ko. Isang gabi, ang mga daliri ko ay nagdurugo nang hindi ko namamalayan. Ako ay lumuha ngunit patuloy pa ring lumaban. Tanging panalangin ang aking naging sandigan! Hanggang isang araw dininig ng Diyos ang aking hiling na makapag-aral bilang isang working student.

     Sa gitna ng laban, sunod-sunod na sakit ang aking naramdaman: dengue at acute appendicitis na siyang naging metsa upang ako ay operahan. Doon nagsimula akong sumuko at nalugmok sa bigat ng hamon ng buhay, subalit sa kabila ng lahat, nanaig pa rin ang aking mga pangarap!Marso 22, 2019– nagtapuo ako ng kolehiyo. Pagkalipas ng pitong buwan, ang aking ama ay lumisan sa hindi malamang kadahilanan! Parang gumuho ang aking mundo sapagkat ang haligi ng aming tahanan ay nawala sa isang iglap! Sa paglipas ng panahon unti-unting nahilom ang sugat, at lagi kong iniisip na ang lahat ng mga pangyayari ay may dahilan sapagkat ang ginamit kong pera pambayad sa CBRC upang makapag review ay ang naiwang aboloy ng mga tao.

     December 2019– nagsimula akong magreview sa Carl E. Balita Review Center (CBRC) para sa March 2020 Licensure Examination for Teachers (LET). Hindi naging madali ang pinagdaanan ko sapagkat pagdating ng Pebrero, labingtatlong araw na lang bago ang examination, ito ay hindi natuloy dahil sa pandemya.

     September 26, 2021– ang araw sanang aking pinakahihintay para matuloy na ang LET, ngunit bago ang araw na iyon, nag positibo ako sa RT-PCR Test at naudlot na naman ang minimithi kong lisensya. Inisip ko na lang na hindi pa iyon ang tamang panahon para sa akin. Umabot nang mahigit dalawang taon na naging kasama ko ang CBRC sa pag-abot ng aking pangarap!

     January 30,2022– sa wakas ako ay hinog na upang harapin ang pagsusulit at sa di inaasahang pangyayari ako ay pumasa at umabot pa ng rank 4.

     Kaya lubos akong nagpapasalamat Kay Dr. Carl Balita at sa buong CBRC family sa mahigit dalawang taong kayo ay aking kinapitan hanggang sa maabot ko ang rurok ng tagumpay bilang isang ganap na guro.

     Alam ko po na ang bawat isa sa atin ay may iba’t ibang uri ng karanasan sa buhay– minsan tayo ay nahihirapan, nasasaktan at nawawalan ng pag-asa. Ngunit lagi sana nating alalahanin at isipin kung para saan tayo nangangarap? Lagi po nating balikan ang mga bagay na minsan na nating nasimulan. Kung nabigo man po tayo, nalugmok, o nadapa sa ating paglalakbay, huwag sana nating hayaan na magupo tayo ng kahit anong tinik ng pagsubok sa buhay!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *