
Ako si Ralph Christian Currimao, isang topnotcher at produkto ng Carl E. Balita Review Center (CBRC).
Nag-umpisa ang lahat sa isang tao at bagay. Si lolo, kasama ang kanyang bisikleta, ang mga kasangga kong nangarap. Noong nasa elementarya ako ay hatid-sundo akong ibinibisikleta nang buong sipag ng aking kong lolo sa eskwela. Saksi rin ang kakarampot na salaping ipinagkakasya ko noong nasa elementarya ako sa aking pagsisigasig kaya hindi maikukubli na walang piging sa mga makabuluhang araw sa buhay ko. Sa nalalapit na paghakbang ko sa sekondarya ay siya namang pagsisimula ng pagkahilig ko sa pagsusulat pero sa murang edad ay naipalasap na sa akin ang salitang pagtanggi dahil tinanggihan lamang ang aking sulatin. Tanging ang pagkapanalo ng aming grupo ng unang gantimpala sa patimpalak ng sinaunang sayaw sa Regional Arts Festival at pagiging eight honor ko sa aming pagtatapos ang siyang mahalagang alaala ko.
Sa ikatlo at ikaapat na taon ko sa sekondarya, ay muli akong dumausdos nang mula sa star section ay napunta ako sa second section. Ilang beses ding pinagdudahan ang kakayahan ko sa pagsusulat sa kabila ng pagkamit ng unang gantimpala sa pagsusulat ng haiku, pagkakasungkit ng unang gantimpala sa pagsusulat ng sanaysay sa dalawang magkasunod na taon, at pagiging patnugot ng aming pahayagan sa paaralan mula 2010 hanggang 2012. Maging ang pagiging opisyal ko sa isang organisasyon ay hindi nakatulong upang maibsan ang panliliit ko sa sarili ko.
Hinangad kong mag-aral sa ibang pamantasan at magkaroon ng ibang kurso ngunit dinala ako ng aking mga paa sa isang pampamahalaang unibersidad na nagkakaloob ng edukasyong pangguro. May ilang mga semestre na konting-konti na lang ay magiging iskolar na sana ako sa aming kolehiyo ngunit kinakapos naman ng katiting na puntos. Gayunpaman, pinagbutihan ko pa rin ang aking pag-aaral mula sa pagkapanalo ng aming grupo sa sabayang pagbigkas sa loob ng tatlong taon hanggang sa pagkapanalo ko ng unang gantimpala sa pagsusulat ng lathalain at editoryal. Sinubukan ko namang magsumite ng mga sulatin sa mga peryodiko ngunit gaya ng dati ay tinanggihan lamang ang mga ito. Kaya naman, ang pagsusulat sa Wattpad ang natira kong naging sandalan. Sa kabila ng lahat ng ito, wala nang mas nanunuot pa sa kaloob-looban ko nang bumitaw na si lolo. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa kaya siguro nagkaroon din ako ng sakit na GERD dala ng matinding kalungkutan. At sa aking pagtatapos ay hindi ako napasama sa listahan ng mga laude dahil kinapos ang aking marka ng 0.03 na puntos.
Nagsilbing hamon ang pag-ayaw sa akin ng ilang institusyon sa paghahanap ng mapapasukan kaya ito ay nagbunsod sa akin upang pag-igihan ang aking mga katungkulan bilang pag-aalay para sa Diyos, bayan, pamilya at pangarap. Marami ang nag-agam-agam sa kakayahan ko ngunit may natatanging institusyon na buong pusong tumanggap sa akin. Kaya sa aking pagre-review, lumalabas ako sa review center sa hapon para magtrabaho. Sa tirik na tirik na araw, naglalakad ako ng pagkalayo-layo papunta sa pinagtratrabahuan ko upang makatipid. Kahit papaano, sa aking kakarampot na sahod ay may naiaabot ako na salapi sa lola ko at makakabili na rin ng kakaunting pangangailangan sa bahay.
Pagkapanood ko naman ng panayam ng ama ni Bb. Iah Seraspi na maluha-luha ay nag-alab ang aking diwa. Nangarap akong sumunod sa yapak ni Bb. Seraspi na naglagay ng uling sa kanyang balat na sapatos dahil ako rin mismo ay naglagay ng tinta sa aking nag-iisang sapatos upang hindi mahalata ang mga sira nito noong nasa kolehiyo ako.
Dalawang araw bago ang board exam, hindi ako nagdalawang-isip na bumisita sa puntod ng aking lolo para muling kumustahin at paghugutan ng lakas. At bilang pampalubag-loob sa abot-kamay na sanang pagiging laude ko ay nagpursige ako sa paniniwalang hindi man ako napagkalooban ng pagkilala noong pagtatapos ko, itinadhana naman ng Diyos na ako ay kilalanin sa buong Pilipinas. Sa aking pagtitiwala, pagkapositibo, at pagpupunyagi ay naisakatuparan ang noon ay pangarap lamang dahil ako ay Top 8 (86.60%) sa ginanap na BLEPT noong Setyembre 2016.
Tunay ngang nabago ang buhay ko mula sa iba’t ibang parangal sa aking bayan, probinsya, pamantasan, maging sa PRC at CBRC; panayam, balita, o pagtatampok mula sa istasyon ng telebisyon, pahayagan, internet, at social media; samut-saring tarpaulin; at bumabahang pagbati. Bukod sa pagiging topnotcher, isa na rin akong CBRC ambassador. Kung noon ay isa ako sa nabibigyan ng inspirasyon, ako naman ngayon ang nagbibigay ng motibasyon mula CBRC Laoag, Vigan, Manila, hanggang Baguio para sa mga nangangarap na maging guro.
At noong Abril 12, 2017, pinarangalan naman ako sa San Fernando, La Union sa pagwawagi ng unang gantimpala (antas panlalawigan) sa pagsusulat ng lathalain tungkol sa pagtataguyod ng kulturang Ilokano na inihandog ng National Commission for Culture and the Arts.
Sa kabila ng mga pinagdaanang ipinalasap sa akin ng buhay ay maiwiwika kong mapalad ako dahil nagsilbi ang mga itong pagganyak upang bagtasin ko ang aking paglalakbay nang buong giting. Saksi ang bungalow naming bahay na walang bobeda at hindi namin pagmamay-ari, mga pagkakataong sotanghon na may sahog na sardinas na pagkain, at iilang kasuotang kabisado na ng mga nakakakilala sa akin dahil paulit-ulit ko lang na isinusuot sa patuloy kong pagsisikap upang maisakatuparan ang ilan pang pangarap ko sa aking buhay at ng aking mga minamahal.
Totoo ngang may pulot na mabubuo sa pinagsama-samang matamis at mapait na nectar mula sa mga karanasan ko sa buhay. Ang mga taong nagmamahal sa akin ang liwanag at ako ang sunflower na sumusunod sa ningning na hatid nila dahil sila ang dahilan kung bakit ako bumabangon araw-araw. Para sa Diyos lahat ng kaluwalhatian!
Guro, Topnotcher, at Ambassador para sa Bayan
Ralph Christian Visaya Currimao, LPT
Top 8 (86.60%) sa buong Pilipinas, Setyembre 2016 Board Licensure Examination for Professional Teachers

Gusto ko po maging topnotcher po this Sept2022. Pls help me..
Hello Basilio. If you want to know more about our Online Review, please go to https://facebook.com/carlbalitafull for inquiries.