Paghihirap, Paglalakbay, Pagtatagumpay! “A Topnotcher’s Story”

Ako si Heidiebel C. Balais, isang topnotcher at produkto ng Carl E. Balita Review Center (CBRC).
Wssshh… wsshh… wsshh…
Naririnig ko ang pagaspas ng mga palay.
Wssshh… wsshh… wsshh…
Nasasamyo ko ang sariwang hangin mula sa bukid.
Habang ako ngayo’y nakatayo sa bukid kung saan nagsimula lahat ng aking mga pangarap, hindi ko maiwasang hindi maalala ang mga nangyari noong kahapon. Mga nangyaring humubog sakin. Mga nangyaring nagbigay ng saya at pighati. Mga nagyaring nagpatikim sakin kung gaano kakulay at kadilim ng buhay. At pangyayaring nagpabago sa takbo ng aking buhay. Hindi ko lubos maisip na babalik ako ngayon mismo sa pwestong kinatatayuan ko na may ngiti sa mga labi habang titig na titig sa bukid na nagbigay sakin ng motibasyon para mangarap. At dito mismo sa kinatatayuan ko, nagsimula akong maglakbay patungo sa aking pangarap…
Ipinanganak akong walang pilak na nakasuksok sa aking bibig. Ang mga magulang ko ay parehong magsasaka. Natuto akong magbasa sa binili ni nanay na tig sampung piso na Tiririt at Mooo-na. Natuto akong magbilang sa pamamagitan ng kung ilang beses kami kakain sa isang linggo, sapagkat mabibilang lamang sa daliri sa kamay kung ilang beses kami kakain sa loob ng isang linggo. Hindi rason kina nanay at tatay ang init mula sa tirik ng araw, lamig dahil sa ulan, kulog at kidlat, upang tumigil sa paghahanap buhay. Kahit maysakit o nilalagnat, sige pa din sila sa pagkayod matustusan lamang ang pangangailan naming magkapatid. Doon ako namulat. Sa kahirapan ng buhay. Kung may bibili lang siguro ng dugo, pawis at mga luha, pati siguro iyon ibebenta nina nanay at tatay mabigyan lamang kami ng magandang buhay. Nang minsan isinama nila kami sa bukid at nakita mismo ng mga mata ko kung gaano kahirap ang ginagawa nila buong maghapon, magkaraoon lamang ng kakarampot na pera, doon ako nangako sa aking sarili. Pangakong baon ko araw-araw tuwing papasok ako sa paaralan.
Bitbit ang aking nasaksihan, nagpursigi ako sa aking pag aaral. Gusto kong masuklihan ang paghihirap ng aking mga magulang. Nagsikap ako. Kahit wala akong baon sa paaralan, kahit na naiinggit ako sa mga kagaya kong batang sagana sa lahat, ayos lang sakin. Hindi hadlang ang kahirapan upang maabot ko ang aking mga pangarap, bagkus ginawa ko itong inspirasyon upang lalong magsikap at magpursigi sa buhay. Sa awa ng Diyos, nagtapos ako bilang Valedictorian noong elementarya at sekondarya. Para sa akin, hindi ang pagtanggap ng mga medalya o mga sertipiko ang pinakamagandang bahagi ng pagtatapos o kahit anong programa na aking napuntahan kundi ang makitang naluluha ang mga magulang mo hindi dahil sa hirap kundi dahil sa tuwa at galak na makita kang nakasuot ng toga at masaksihan ang produkto ng kanilang paghihirap. Pangarap ng bawat magulang, lalong lalo na iyong mga magulang na hindi nakapagtapos na makita ang kanilang mga anak na nakasuot ng toga sapagkat para sa kanila, parang nakapagtapos na din sila ng kanilang pag aaral.
Akala ko noon, hindi na ako makakapagkolehiyo sapagkat salat kami sa pera. Simula bata ako, pangarap ko nang maging isang inhinyero. Pero ibang landas ang sa aki’y ibinigay ng Maykapal. Naniniwala ako na hindi aksidente ang paglalakbay ko tungo sa aking pagiging guro, alam kong may rason, may dahilan kong bakit dito ang landas na gustong ipatahak sakin ng Ama. Noong una, wala akong alam sa pagtuturo. Ni sa panaginip hindi ko nakita ang aking sarili na nagtuturo. Para sa akin, isang malaking biro ng buhay ang pagtahak ko sa buhay guro. Hanggang sa isang araw, di ko namamalayan na nabighani na pala ako sa pagtuturo. Hindi ko alam kung kailan at saan pero nagising na lamang ako isang araw na mahal ko na pala ang aking ginagawa- ang pagtuturo. Hindi ko alam magturo hanggang sa makilala ko ang mga bata noong Practice Teaching ko sa aming baryo. Mga batang gaya ko na salat sa lahat pero nagpupursiging mag aral para lamang maabot ang kanilang mga pangarap sa buhay. Nakikita ko ang aking sarili sa kanila. Doon ko nakita ang rason o dahilan kung bakit hindi “daan sa pagiging inhinyero”ang ibinigay sa akin ng Panginoon. Dahil ayaw ng Panginoon na mga gusali, bahay o daan lamang ang binibigyan ko ng oras para mabigyan lamang ng magandang pundasyon. Gusto niya na ibigay ko ang aking oras sa mga batang gaya ko- na salat sa lahat pero nagsisikap para sa kanilang mga pangarap. Sa aking paglalakbay sa pag aaral ko bilang isang guro, nakapagtapos ako bilang isang Cum Laude sa aming paaralan sa tulong na rin ng Poong Maykapal. Alam ko, dito magsisimula ang aking paglalakbay. Paglalakbay tungo sa katuparan ng aking pangarap-ang maging isang ganap na guro.
Pero sino ang tutulong sakin para matupad ito? Kanino ako sasandal? Anong daan ang aking tatahakin para maisakatuparan ang pagiging ganap na guro ko? Doon ko nakilala ang CBRC. Doon ko nakilala ang bagong pamilyang sa aki’y kumalinga noong ako’y tuliro at takot lumipad. Iba talaga si Lord. Binigyan niya ako ng pamilyang nagbigay sakin ng motibasyon upang patuloy na mangarap nang mangarap. Hindi ko pinangarap magtop sa board exam hanggang sa makilala ko sina Ma’am Iah, Sir Prince, Sir Janus at iba pang lecturers at lalong lalo noong makilala ko si Sir Carl sa Final Coaching. Doon tumaas lahat ng balahibo ko. Doon nagsimula ang pangarap ko na hindi lamang makapasa kundi pati na rin ang magtop sa board exam. Doon nagsimula ang “struggles ko sa pagboboard exam”. Naranasan ko ang matulog hanggang madaling araw. Naranasan ko na kape at libro lang ang kaharap ko araw-araw. Naranasan ko ring magkasakit dahil sa kawalang tulog at pagod. Naniniwala kasi ako na dapat ibigay ko na lahat ng oras ko at lahat lahat dahil ito na ang huling board exam ko. Dati, takot akong lumipad pero noong nakilala ko ang CBRC, doon ko natutunan kung paano lumipad. Kung paano mangarap. Kaya noong ika- 25 ng Septyembre 2016, bitbit ko lahat ng motibasyon, aral na aking napulot at pangarap na balang aral na magtotop din ako at mapabilang sa listahan ng mga topnotchers ng CBRC. At noong ika-28 ng Nobyembre 2016, ang dating nangangarap lamang ay isa na sa kanyang pangarap (The dreamer is now one with her dream).
Kahirapan…Pangarap…Paglalakbay…Tila ba isang panaginip pa rin ang lahat ng ito. Tila ba hindi pa rin pumapasok sa aking isipan na ngayon ay isa na ako sa aking pangarap. Pero alam ko, na ito pa lamang ang simula ng mas magandang kabanata sa aking buhay.

I started college at 31 and take board exam at 35.. CBRC help me prepare my self for it. Di lng po intellectually but also emotionally and spirutually. Complete package kumbaga, worth it lahat ng luha at hirap. Soar high eagles!