

Nagviral ang pahayag ni Dr. Carl E. Balita patungkol sa kanyang saloobin sa reklamo ng mga guro na patong-patong na paperworks sa trabaho.
“Guro tayo kaya pagtuturo ang ating pangunahing trabaho at hindi ang mag-ipon ng mga dokumento, mag-accomplish ng forms, magpapicture sa bawat kilos, i-please ang observers sa demo, magsulat ng sangkaterbang lesson plan at magreport sa school kahit Sabado,” ani ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), isang grupo na kinabibilangan ng 30,000 na mga guro.
Ang tugon naman ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) sa pahayag ng TDC ay legal at kailangan ang mga documents kung kaya naman hindi raw nila ito babawasan.
Ayon naman kay Dr. Balita, mas mainam na tumutok ang mga guro sa kung ano at papaano nila ituturo ang asignaturang hawak nila sapagkat ito naman talaga ang trabaho nila.
“Naiintindihan ko ang need-to-document para sa quality improvement, pero nauubos na ang oras ng mga teachers sa paperworks. Pa-simplehin natin ang reporting para makapag-focus ang teachers sa paghahanda, pagtuturo, mentorship at assessment,” pahayag ni Dr. Balita.
Si Dr. Balita ay ang kaisa-isahang licensed professional teacher na kumakandidato sa pagkasenado at isa sa kanyang adbokasiya ay ang pagpapaunlad ng “karunungan” sa bansa sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga karapatang pangguro.